Saturday, January 25, 2020

Pagninilay sa pagputok ng bulkan -January 19, 2020

 KAALAGAD Gospel Reflection – January 19, 2020
2nd Week in Ordinary Time

John 1:29-34

 Ang Kordero ng Diyos


29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Hesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.” (Filipino Standard Version)


Pagninilay sa pagputok ng bulkan


Sa araw na pumutok ang bulkan ng Taal, maraming turista ang namamasyal sa paligid ng bulkan, lalo na sa kalapit na bayan ng Tagaytay. Makikita ang mga dayo ay enjoy sa pamamasyal, nagpo-pose para makunan sila ng picture kasama ang magandang tanawin ng Taal.

 Subalit sa isang iglap ay  biglang dumilim ang langit dahil sa makapal na usok, yumanig ang lupa, umulan ng maitim na abo at nag-amoy asupre  ang hangin. Maya’t maya ay kumikidlat at kumukulog. Biglang sumabog ang bulkang Taal pagkalipas ng 43 taon na pagkahimlay. Lingid sa marami na ang Taal ay isa sa mga deadliest na bulkan. Ayon kasaysayan ay libu-libo na ang namatay sa nakaraan sa pagsabog ng Taal dahil natatamaan sila ng mainit na usok, nagbabagang abo at tipak ng bato at lava o kumukulong putik.

Ang biglaang pagsabog sa Taal pagkatapos ng mahabang panahon na pananahimik ay maihahantulad sa isang pangyayari sa ating binasang talata mula sa aklat ni Juan. Ito ay ang biglaang pagdating ng isang propeta sa bayang ng Israel pagkatapos ng mahabang taon na pananahimik. Ang propetang si Malakias ay ang huling propeta na nangaral sa bayan ng Israel. At sa dumating na 400 na taon ay walang boses ng propeta na maririnig. Ito ang tinatawag ng ibang bible scholars na “silent years” sa gitna ng Luma at Bagong Tipan sa Biblia.   Subalit isang araw ay bigla na lang narinig ng bayan ng Israel ang isang  malakas na tinig mula sa ilang o voice in the wilderness. Siya ay si Juan Bautista o John the Baptizer. Sya ay nangangaral sa may ilog ng Jordan at ang sinuman sa mga nakikinig na nais magsisi sa kasalanan ay kanyang ilulubog sa ilog at babawtismuhan.

Ang ipinapangaral ni Juan ay patungkol sa pagdating ni Hesu Kristo. Alam niyang anumang oras ay magpapakilala na si Hesus sa publiko. At isang araw ay bigla na ngang dumating si Hesus sa ilog ng Jordan. At ang unang sinambit ni Juan ay “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!”

Nang nakita ni Juan si Hesus, ang ginamit na paghahambing sa kanya ay kagaya sya ng isang kordero o isang batang tupa na  kakatayin, susunugin bilang alay sa templo. Sa nakaraang daan-daang taon, ang mga taga Israel ay nakaugalian na magdala ng isang hayop bilang alay sa templo. Ito ay bilang pagsunod sa kautusan ng Diyos at pagpapa-alala na isang araw ay darating ang tupa ng Dios na syang magliligtas sa sanglibutan.

Masasabi natin na noong nakita ni Juan si Hesus, ang una niyang sinabi at pinahiwatig ay si Hesus ay kagaya ng kordero na mamatay para sa kasalanan ng sanglibutan. Narinig at alam ni Hesus na kamatayan ang kahihinatnan nya pagkalipas ng maikling panahon. Subalit hindi naupo si Hesus at naghintay na lamang sa araw ng kanyang kamatayan. Sa loob ng tatlong taon, sya ay nangaral, binigyan pansin ang mga bata, nagpagaling ng mga may sakit, nagpakain ng mga nagugutom, nagpalayas ng demonyo, binuhay ang patay, at inilantad ang kasamaan ng mga lider ng relihiyon.

Pagdating ng naitakdang panahon, pumasok na si Hesus sa bayan ng Jerusalem upang harapin ang mga sundalo na syang huhuli sa kanya. Kusa niyang binigay ang kanyang sarili para litisin at ipako sa krus. Pagkalipas ng tatlong araw, siya ay nabuhay na muli at umakyat sa langit.

Sinabi ni Juan na si Hesus ay anyong tao subalit sya ay buhay noon pa man at magpakailanman. Sa pamamagitan ni Hesus, ang bawat mananampalataya ay makakaranas ng kaligtasan. Mamatay man ang kanilang katawan subalit dahil sa grasya o biyaya ng Diyos, mararanasan nila ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan. Ang mga katotohanang ito ay dapat mabalikan at mapagisipan sa panahong ito.

Kapag may napapabalitang trahedya o kalamidad kagaya ng pagsabog ng bulkan o matinding bagyo,  napapagtanto ng mga tao na kahit anong pagiingat ay may mga krisis na hindi mo mapipigilan. Ang Pilipinas ay tinawag na nasa Pacific Ring of Fire dahil mayroong mahigit na 50 aktibong bulkan sa iba’t-ibang lugar na maaring sumabog at magdulot ng lindol at tsunami. Ang bulkang Pinatubo ay itinuring na dormant o comatose dahil hindi ito natitinag sa loob ng 400 na taon. Ngunit isang araw ay bigla na lang itong sumabog at nagdulog ng napakalaking sakuna.

At kahit na gaano na ka-hitech at ka-moderno ang syensiya ay hindi pa rin kayang mataya ng mga scientists kung kailan ang eksaktong araw na darating ang pagsabog ng bulkan. Dito natin matatanto na kahit gaano pa ang pagyabong ng syensia at lahat ng kaalaman sa mundo, hindi pa rin kayang pantayan ang kaalaman at karunungan ng Diyos. Ang pasabog ng bulkan ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at paghahari sa kalikasan at sa buhay ng mga tao.

Sa panahong ito, nagiging matingkad ang katotohanan na tayong mga nilalang ng Dios ay isang katiting na alabok lamang na dumadapo sandali sa lupa.  Dahil hindi natin hawak ang ating buhay, nararapat na alalahanin ang mga sinabi ni Juan Bautista sa ilog ng Jordan. Kailangan natin tumingin at manampalataya sa kordero ng Dios na syang tagapagligtas natin. Kahit na tayo ay mawala sa mundo, may pag-asa tayo na hindi lang dito sa lupa ang ating buhay. Niligtas tayo ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang dugo upang tayo ay makasama niya panghabang buhay.

At kung sakali man na malampasan natin ang trahedya o anumang krisis na ating hinahanrap ngayon, mainam na hindi tayo maging kampante. Maikli lang ang buhay at darating din ang araw na tinakda ng Diyos na tayo ay kukunin nya. Dapat ay tularan natin ang Panginoon. Alam niyang bilang kordero ng Diyos ay itinakda siyang mamatay sa krus. Subalit hindi sya naupo o nag-enjoy sa buhay at naghintay na lamang. Naging masigasig sya at naging mabunga sa paggawa ng kabutihan sa mga tao sa paligid, lalong lalo na sa mga mahihirap, may sakit at may bigatin sa buhay. Nawa ay maawa ang Dios sa ating bayan at humupa at matapos na ang pagsabog ng bulkan sa Taal.


Ched Arzadon
Kaalagad Member

No comments:

Post a Comment